"Ang mensahe ng bawat pelikula ay nagbabago depende sa taong nanunuod nito..."
Ngayon, ika-23 ng Agosto taong 2010, naganap ang isang nakapanlulumong hostage taking incident na nauwi sa pagkamatay ng ilang mga hostages at ng hostage taker.
Hindi ko alam kung san ko ilulugar ngayon ang sarili ko. Napanuod ko at sinubaybayan ang nangyaring hostage drama mula kaninang hapon hanggang nung matapos na to. Kanino ko nga ba ibibigay ang aking simpatiya? Sa mga banyagang nagbabaksyon lang dito sa Pilipinas, na naghangad na makaipon sana ng magagandang alaala? O kay Captain Mendoza na naghangad na mapakinggan ang hinaing?
Tumulo ang luha ko nung nakita ko ang lupaypay na katawan ni Captain Mendoza na nakasabit sa bakal na bahagi nung pinto ng bus kung san naganap ang panghohostage. Hindi ko inasahan na sa ganung senaryo magwawakas ang napakahabang negosasyon sa pagitan nung dalawang kampo. Maslalong napaiyak ako nung nakita kong lumabas ang di lang isa, di lang dalawa, kundi higit sa 4 na hostages nang naglalakad mula sa loob ng bus. Napaiyak ako di dahil sa pasasalamat na buhay sila... sa totoo lang napaiyak ako dahil naisip ko... baka wala naman talagang namatay, taliwas sa unang napabalita. Naisip ko, baka di naman kailangang humantong sa ganun yung kinasapitan ni Captain Mendoza.
Tinanong ko sa kapatid ko kung may mali sa pag-iisip ko. Kasi pagkatapos nung insidente, hindi ko magawang magalit sa taong bumihag at nakapatay ng tao. Oo, malungkot na may mga namatay na banyaga. Nakikidalamhati ako sa mga pamilyang naiwan nila. Pero namatay din si Captain Mendoza. Siguro, ang normal na mararamdaman ng isang tao e "maski pa namatay sya e! mali parin yung ginawa nya.". Pero ba't ganun? Iba yung nararamdaman ko? Hindi ko isinisisi lahat sakanya yung nangyare. Lumalaktaw yung galit ko papunta dun sa mga taong nagtulak sakanya para gawin to.
Hindi ko alam kung ano ang totoong kwento sa likod ng pagkakasibak sakanya sa pwesto. Pero nararamdaman ko yung pinaglalaban nya. Naramdaman ko yung desperasyon nya na marinig yung boses nya. Kung hindi ganun kasidhi yung pagnanais nya, malamang hindi nya ginawa yun. Di ba nga, pag meron kang kausap at hindi nakikinig gagawin mo lahat para mapansin ka nya? Magagalit ka, magdadabog, tatawagin mo sya, kakaway ka... Lahat gagawin mo para mapansin ka.
Nakita kong pinaskil ni Captain yung mga katagang "Big mistake to correct a big wrong decision". Dito palang, naramdaman ko na na malaki ang nasasakop ng salitang "big". Para sakin kase, infinite yun, walang hangganan, walang limitasyon. Kaya ang dating sakin nung "big mistake" e infinite possibilities, kasama na dun yung pagkitil sa sarili nyang buhay. Oo, ganun ako katwisted mag-isip.
Sa nangyare ngayon, ito ang pinaniniwalaan kong malinaw. Take note! "Pinaniniwalaan ko" - maaring ito nga yung talagang nangyare, maaring hindi, pero ito ang tingin kong totoo. Una, napag-isipang mabuti ni Captain yung ginawa nyang mga hakbang kanina. Simula sa bus na sasakyan, sa driver ng bus na yun, sa mga pasahero, oras ng pagsampa nya sa bus, mga gagawin nya pag nasa bus na sya. Meron syang detalyadong plano. At dahil nga dati syang pulis, alam nya yung bawat hakbang na gagawin ng mga pulis at kung paano nila ihahandle yung pangyayare. Kumbaga he's a step ahead of them. Naniniwala din akong nasa matino syang pag-iisip at maganda ang kanyang judgment dahil pinakawalan nya yung mga bata at saka yung diabetic na lolo. Naniniwala din akong maawain sya sa matatanda dahil hindi nya nagawang saktan ang mga to.
Alam kong mali ang ginawa ni Captain Mendoza pero sa pagkakataong to, hindi lang sya ang nagkamali.
Ang mga tingin kong pagkakamali ng mga pulis:
1. sumugod matapos sabihin ng bus driver na patay na lahat ng hostage.
- Sa puntong ito, hindi sila dapat nagpadalos-dalos... Pano ko naman napatunayang nagpadalos-dalos sila? Ahmmm... Kelangan bang makagraduate ng kolehiyo para maintindihang hindi sila handa nung sinugod nila yung bus? Sa ichura palang nila, mukha na silang mga ligaw na pusa. Hindi magkandaugaga sa gagawin. Halatang wala silang kaplano plano. Yun ba ang estratehiya nila? Isa laban sa... hindi ko nabilang! At hindi naman nila napatunayang patay LAHAT ng hostages. Napapaisip tuloy ako... hindi kaya't sinadya nilang imisinterpret ang statement ng driver para matapos na ang kaguluhang ito? Sa ginawa nilang ito, inilagay nila sa alanganin yung buhay ng mga hostage survivors, kung meron man.
2. natakot sila para sa buhay nila.
- Di ba nga napaulat na lahat ng hostages e patay na... Yung mga kawawang hostages na yun na namatay, pumunta sila dito sa Pilipinas para magbakasyon. Pero yung mga pulis/SWAT na nasa paligid ng bus kanina, alam nila yung trabahong pinasok nila. Alam nila na maari silang mamatay maski anung oras, anung araw, anung sitwasyon habang nasa serbisyo sila. Halatang halata ang takot nila sa pagsugod sa hostage taker. Ayaw nilang sumugod dahil lumalaban daw. E ano? Di dapat lumaban din sila pabalik. Wag nilang masabi sabing nag-iingat sila dahil baka meron pang natitirang hostages at baka ito ang pagbalingan nung hostage taker. Dahil...
3. gumawa sila ng mga hakbang na maaring magtulak sa hostage taker na patayin ang mga hostages na posibleng buhay pa.
- Tingin ko, dapat ang mentality nila kanina e iassume na meron pang mga hostage survivors at iprioritize yun. Pero nung minaso nila yung salamin ng bus kanina, parang sila na rin mismo ang pumatay sa mga hostage. Bakit? E pano kung nataranta yung hostage taker at pinagbabaril nya lahat including yung sarili nya? Mission failed agad sila. Dun palang sa unang hakbang na yun, nawalan na ako ng tiwala sa kanila. Naisip kong di na nila magagawa nang maayos yung trabaho nila.
4. pinasabugan ng tear gas yung loob ng bus...
- habang meron pang mga hostage na buhay. Tingin ko, bukod sa pagmaso nila nung salamin, ito yung isa sa mga pinakamalaking pagkakamali nila. Sa pangalawang pagkakataon, nilagay nila sa alanganin yung buhay ng mga natitirang hostage. Tsk tsk tsk. Maswerte silang gumapang palabas si Captain Mendoza nang hindi namamaril.
Alam kong merong bigger picture sa pangyayaring ito. Alam kong si Captain Mendoza ang may hawak nung baril na kumitil sa buhay nung mga hostage na namatay sa insidenteng yun. Pero hindi ko maisisi sa kanya lahat lahat. Malaki ang pagkakamali ng mga pulis sa paghandle ng sitwasyon. At ipinagdarasal kong may mangyaring aksyon tungkol dito. Sana hindi mapunta sa wala yung pinaglaban ni Captain Mendoza.
Hindi ko rin maiwasang bumalik sa isyung command responsibility. Yung nangyare ba ngayon e dapat isisi sa indibidwal na pulis na sumugod sa scene kanina? O dapat ba itong isisi sa taong responsable para sa grupo ng mga pulis na yun? Ito nga kaya ang gustong iparating na mensahe ni Captain Mendoza?
Sorry for the inconvenience
This blog is best viewed in Mozilla Firefox.
Monday, August 23, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment